Ika-14 hanggang ika-17 ng Agosto, taong 2013—ipinagdiwang ng St. Paul University Iloilo ang taunang selebrasyon ng Buwan ng Wika bilang paggunita sa mga paghihirap ng ating mga ninuno upang maitaguyod ang ating kalayaan at upang magkaroon tayo ng sarili nating wika. Gamit ang temang: “Wika Natin Ang Daang Matuwid”, pinamunuan ng mga guro sa Filipino ang naturang selebrasyon.
Kaugnay nito ay nagkaroon ng ilang patimpalak ang iba’t-ibang departamento sa kolehiyo. Ang poster-making contest ay naipanalo ng mga kalahok mula sa College of Information Technology, sinundan ng mula sa College of Physical Theraphy at nanalo sa ikatlong pwesto ang College of Teacher Education. Naipakita rin ang husay ng mga mag-aaral sa pagkanta sa patimpalak na Himig Pinoy.Sa huli, ang kalahok mula sa College of Teacher Education ang nanalo. Hinirang na ikalawa ang mula sa departamento ng Nursing at bagamat unang beses sumali ay nasungkit ng CFP ang ikatlong pwesto. Sa isang panayam kay Gng. Lourdes Balsomo, isa sa mga punong abala ng selebrasyon, sinabi niyang, “Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, nakikilahok dito ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapadala nila ng kanilang mga kalahok sa bawat patimpalak. Mapapalawak natin ang gamit ng ating wika sa pamamagitan ng pag gamit nito sa loob man o sa labas ng Unibersidad.” Nagsilbing daan ang selebrasyon upang magkaisa ang mga mag-aaral at mabigyan ng halaga ang ating wika.
“I learned to appreciate the culture of the Filipinos through this celebration”, ayon kay Kenneth Biñas, isang mag-aaral sa CFP na nagmula sa Estados Unidos. Marami sa mga mag-aaral mula sa ibang bansa ang natutunan ito at mas napamahal sa sarili nating kultura. Sinabi naman ni Labyrinth Juatas,isang mag-aaral din sa CFP, “Natutunan ko na dapat kong bigyan ng kahalagahan an gating wika, Buwan man ng Wika o hindi sapagkat magagamit ko ito bilang komunikasyon sa mga kapwa ko Pilipino.” Ang selebrasyon ay nagtapos ng matiwasay at ang mga mag-aaral pati na rin ang mga guro ay may natutunan mula sa okasyon.
Sinulat ni Juna Mae Marcelo